MATIBAY NA KOOPERATIBA: NAGKAKAISANG PAMAYANAN PARA SA KAPAYAPAAN AT KAUNLARAN
Patuloy ang pagtuklas ng Palawan Electric Cooperative (PALECO) sa talino, talento, at potensyal ng mga kabataan, habang pinauunlad ang kamalayan sa kahalagahan ng kooperatiba at ang papel nito sa pagbuo ng mas maunlad na pamayanan.
Bilang bahagi ng pagdiriwang ng National Cooperative Month 2026, isinagawa ng PALECO noong ika-24 ng Oktubre sa PALECO Principal Office, Brgy. Tiniguiban, Puerto Princesa City, ang Tuklas-Talino 2026, na kinabibilangan ng Quiz Bee, Essay Writing, On-the-Spot Poster Making, at Science Investigatory Project Exhibit.
Sa bawat tanong na sinagot, ideyang isinulat, obrang nilikha, at siyentipikong tuklas na ibinahagi, nasilayan ang talino at pagkamalikhain ng mga mag-aaral. Higit pa sa isang paligsahan, naging pagkakataon ito upang maipakilala sa kabataan ang diwa ng kooperatiba at ang mahalagang papel ng PALECO sa paglilingkod at pagpapaunlad ng mga pamayanan sa Palawan.
Samantala, muling pinagsama-sama ng PALECO 2nd Open Chess Tournament ang mga chess enthusiasts mula sa iba’t ibang panig ng Palawan. Ipinamalas ng mga kalahok ang kanilang husay, estratehiya, at determinasyon, na nagpapatunay na sa bawat galaw sa chess, may pagkakataong matuto, umunlad, at bumuo ng pagkakaibigan.
Para sa PALECO, ang tunay na diwa ng kooperatiba ay hindi lamang sa pagbibigay-liwanag sa bawat tahanan, kundi maging sa pagtuklas at paglinang ng kakayahan ng bawat isa. Sa pamamagitan ng mga programang tulad nito, patuloy na binibigyang-halaga ng PALECO ang edukasyon, talento, at pagkakaisa bilang mahahalagang sangkap sa pagbuo ng mas maliwanag na kinabukasan para sa Palawan.
Taos-pusong pasasalamat sa lahat ng mga kalahok, paaralan, katuwang, at kamay-aring nakiisa sa makabuluhang pagdiriwang na ito!
Sa PALECO, bawat talino ay mahalaga, bawat talento ay may puwang, at bawat tuklas ay hakbang tungo sa kaunlaran.
Patuloy nating tuklasin ang talino, paunlarin ang kakayahan, at pag-isahin ang pamayanan para sa isang mas matatag na kooperatiba at mas maliwanag na kinabukasan!
- Share to Facebook