PALECO IN ACTION: OPERATION PALAWAN 3RD DISTRICT TOTAL ELECTRIFICATION – DAY 1 (ABORLAN)
Bilang pagtupad sa pangako ng pamunuan ng Palawan Electric Cooperative (PALECO) at sa mandato nitong maihatid ang serbisyo ng kuryente sa kabuuan ng franchise area nito, sinimulan noong ika-26 ng Oktubre ang mga paunang hakbang para sa pagpapalawak ng serbisyo ng kuryente sa Barangay Culandanum at Apurawan sa bayan ng Aborlan.
Nagsagawa ang mga kawani ng PALECO ng koordinasyon sa mga opisyal ng dalawang (2) barangay bilang paghahanda sa pagpapatupad ng proyekto. Sinimulan din ang staking o pagtukoy at pagpaplano sa mga rutang dadaanan at mga lokasyon ng mga itatayong poste at linya ng kuryente.
Sa pakikipag-ugnayan sa mga opisyal ng barangay, ipinaliwanag din ng mga kawani ng PALECO ang mga kinakailangang dokumento para sa aplikasyon ng serbisyo ng kuryente. Dahil timberland ang klasipikasyon ng karamihan sa mga lupain sa mga nasabing barangay, nangako ang mga nakausap na opisyal na makikipag-ugnayan sa kanilang lokal na pamahalaan upang matulungan ang mga residente sa pagkuha ng mga kinakailangang dokumento.
Samantala, nakatakda ring isagawa ang pakikipag-ugnayan sa mga opisyal ng Barangay Marufinas at New Panggangan sa Lungsod ng Puerto Princesa, gayundin ang staking sa mga nasabing lugar, upang maabot ang total electrification ng Palawan 3rd District.
Sa kasalukuyan, apat (4) na barangay na lamang sa ika-3 Distrito ng Palawan ang hindi pa naaabot ng serbisyo ng kuryente.
Patuloy na isinusulong ng PALECO ang layuning maihatid ang serbisyo ng kuryente sa bawat pamayanan, bilang pagtupad sa pangakong walang iwanan sa paghahatid ng liwanag at pagbubukas ng mga oportunidad para sa kaunlaran sa lahat ng bayang sakop ng franchise area nito.
- Share to Facebook