𝐏𝐀𝐋𝐄𝐂𝐎, 𝐏𝐨𝐫𝐦𝐚𝐥 𝐧𝐚𝐧𝐠 𝐈𝐧𝐚𝐤𝐨 𝐚𝐧𝐠 𝐑𝐞𝐬𝐩𝐨𝐧𝐬𝐢𝐛𝐢𝐥𝐢𝐝𝐚𝐝 𝐬𝐚 𝐏𝐚𝐠𝐩𝐚𝐩𝐚𝐢𝐥𝐚𝐰 𝐬𝐚 𝐈𝐥𝐚𝐧𝐠 𝐃𝐚𝐭𝐢𝐧𝐠 𝐐𝐓𝐏 𝐀𝐫𝐞𝐚𝐬
Pormal nang inako ng Palawan Electric Cooperative (PALECO) simula ika-22 ng Agosto ang responsibilidad sa pamamahagi ng suplay ng kuryente sa ilang barangay sa mga bayan ng Rizal, San Vicente, at Taytay, Palawan—partikular sa Barangay Candawaga, Barangay Port Barton, at Barangay Liminangcong—na dating pinaiilawan ng Qualified Third Party (QTP) provider na PowerSource Philippines, Inc. (PSPI).
Ang nasabing takeover ay isinagawa kasunod ng desisyon ng National Power Corporation (NPC) na kanselahin ang QTP Service Contract nito sa PSPI.
“Ipinaabot sa atin na tuluyan nang ipapatigil ng NPC ang QTP Service Contract nito sa PSPI kaya agad tayong gumawa ng mga teknikal at institusyunal na hakbang bilang paghahanda sa ating pagkuha sa operasyon ng electric distribution facilties sa mga lugar na ito,” ani Engr. Rez L. Contrivida, General Manager ng PALECO.
Agad na nakipag-ugnayan si GM Contrivida sa mga Lokal na Pamahalaan ng mga nasabing munisipyo upang ilatag ang mga kinakailangang hakbang ng PALECO sa pagtitiyak ng maayos at tuloy-tuloy na suplay ng kuryente lalo na ang pagpapailiwanag sa mga magiging katuwang na power providers sa mga lugar.
Nakatakda rin magsagawa ang PALECO ng oryentasyon sa mga maaapektuhang residente upang ipaliwanag ang mga bagong sistema at proseso na ipatutupad sa oras na tuluyan nang mapasailalim sa operasyon ng Kooperatiba ang kanilang mga lugar.
𝐁𝐚𝐫𝐚𝐧𝐠𝐚𝐲 𝐂𝐚𝐧𝐝𝐚𝐰𝐚𝐠𝐚, 𝐑𝐢𝐳𝐚𝐥
Sa Barangay Candawaga, hindi na kinakailangang magpatayo ng panibagong linya ng distribution system sapagkat nauna nang nakapagpatayo ng mga poste ng kuryente patungo sa nasabing barangay.
Ikokonekta na lamang ito ng PALECO sa mga naunang barangay sa parehong munisipyo na pinapailawan na ng Kooperatiba sa tulong ng planta ng NPC.
Dahil dito, ang power rate na ipatutupad sa Barangay Candawaga ay magiging kapareho ng kasalukuyang rate sa Barangay Punta Baja at Barangay Iraan
.
𝐁𝐚𝐫𝐚𝐧𝐠𝐚𝐲 𝐏𝐨𝐫𝐭 𝐁𝐚𝐫𝐭𝐨𝐧, 𝐒𝐚𝐧 𝐕𝐢𝐜𝐞𝐧𝐭𝐞
Samantala, noong Mayo 2026 ay nakapagsagawa na ang PALECO ng testing and commissioning ng linya patungo sa Barangay Port Barton, San Vicente, bilang paghahanda rin sa paghalili sa PSPI matapos itong makaranas ng kakulangan sa supply.
Sa ilalim ng takeover, ikokonekta ang Barangay Port Barton sa Palawan Main Grid. Ang suplay ng kuryente ay manggagaling sa mga Independent Power Providers (IPPs) ng PALECO, kabilang ang Delta P, Inc. (DPI) at DMCI Power Corporation (DPC).
Dahil dito, ang power rate sa Barangay Port Barton ay magiging kapareho ng umiiral na rate sa Lungsod ng Puerto Princesa at mga munisipyo ng Roxas, Taytay, Dumaran (mainland), Aborlan, Narra, Brooke’s Point, Sofronio Española, at Bataraza.
𝐁𝐚𝐫𝐚𝐧𝐠𝐚𝐲 𝐋𝐢𝐦𝐢𝐧𝐚𝐧𝐠𝐜𝐨𝐧𝐠, 𝐓𝐚𝐲𝐭𝐚𝐲
Iba naman ang sitwasyon sa Barangay Liminangcong, Taytay dahil sa layo nito mula sa pinakamalapit na poste ng kuryente na maaaring magsilbing tapping point para sa pagkonekta sa distribution system ng PALECO.
Bilang agarang solusyon, minabuti ng Pamunuan ng Kooperatiba na pumasok sa isang Emergency Power Supply Agreement (EPSA) sa pagitan ng PALECO at DPC upang makapag-deploy ng mga generating units na pansamantalang magsusuplay ng kuryente sa nasabing barangay.
Bagama’t EPSA ang agarang ipatutupad ng Kooperatiba, Subsidized Approved Generation Rate (SAGR) pa rin ang sisingilin sa mga residente ng Barangay Liminangcong, sapagkat mananatiling kwalipikado ang lugar sa subsidy para sa generation cost ng kuryente, alinsunod sa Department of Energy (DOE) Advisory na inilabas noong ika-18 ng Agosto 2025.
Ayon sa nasabing Advisory, ang mga lugar na iisa lamang ang power provider, gaya ng Barangay Liminangcong, ay kwalipikadong makatanggap ng Universal Charge for Missionary Electrification (UCME) subsidy. Maaari ring ipatupad agad ang EPSA upang matugunan ang agarang pangangailangan sa kuryente, bagama’t limitado lamang ito sa isang (1) taon.
“Sa ngayon, ito ang pinakamabilis at pinakaepektibong hakbang na maaari nating gawin upang matiyak ang agarang pagkakaroon ng suplay ng kuryente sa Barangay Liminangcong. Gayunman, panandalian lamang ang solusyong ito. Agad din tayong magfa-file sa ERC ng isang pangmatagalang Power Supply Agreement (PSA) na may subsidy,” paliwanag ni GM Contrivida.
Dagdag pa niya, dahil mas mababa sa isang (1) MW ang kinakailangang power supply ng Barangay Liminangcong, kwalipikado itong ma-exempt sa pagsasagawa ng Competitive Selection Process (CSP), alinsunod sa Department of Energy Department Circular No. DC2023-06-0021, na sinususugan ng Department Circular No. DC2025-10-0022.
“Sisiguraduhin nating mapapabilis ang proseso upang agad nating maihain sa ERC ang kinakailangang aplikasyon. Umaasa tayo na mabilis din itong maaaprubahan upang magkaroon ng pangmatagalan at sustainable na suplay ng kuryente ang Barangay Liminangcong,” dagdag ng General Manager.
𝐈𝐢𝐬𝐚𝐧𝐠 𝐋𝐚𝐲𝐮𝐧𝐢𝐧, 𝐈𝐛𝐚’𝐭 𝐈𝐛𝐚𝐧𝐠 𝐏𝐚𝐫𝐚𝐚𝐧
Magkakaiba man ang sitwasyon ng Barangay Candawaga, Barangay Port Barton, at Barangay Liminangcong, iisa ang layunin ng PALECO: matiyak na hindi mapuputol ang serbisyo ng kuryente sa mga komunidad na umaasa rito.
“Para sa atin, ang pagkuha sa mga dating QTP areas ay hindi lamang usapin ng pag-aako ng operasyon. Higit dito, ito ay pagpapatuloy ng mandato na dalhin ang serbisyo ng kuryente sa mga komunidad, gaano man kalayo, gaano man kahirap, at gaano man karami ang kailangang paghandaan,” ani ni GM Contrivida.
- Share to Facebook




