Palawan Electric Cooperative

PALECO Nagpapasalamat sa Suporta ng Sangguniang Panlalawigan ng Palawan para sa Franchise Application sa Kongreso

Nagpapasalamat ang pamunuan ng Palawan Electric Cooperative (PALECO), sa pangunguna ng General Manager nitong si Engr. Rez L. Contrivida, sa ipinahayag na suporta ng mga dumalong miyembro ng Committee on Energy, Oil and Gas Exploration ng Sangguniang Panlalawigan ng Palawan, sa pangunguna ni Board Member Ryan D. Maminta, sa aplikasyon ng Kooperatiba para sa prangkisa nito sa Kongreso.
 
Ang naturang suporta ay ipinahayag sa isinagawang pagpupulong ng Komite ngayong araw, ika-8 ng Setyembre, kung saan nagbigay ng update si GM Contrivida hinggil sa paghahain ng House Bill No. 11029 o ang franchise application ng PALECO sa Kongreso.
Sa nasabing pagpupulong, inilatag din ni GM Contrivida ang mga hakbang na isinasagawa ng PALECO upang matupad ang mandato nitong maihatid ang serbisyo ng kuryente sa lahat ng sakop ng franchise area ng Kooperatiba. Ibinahagi rin niya ang mga programa at proyektong nakahanay para sa mga susunod na taon na naglalayong higit pang mapabuti ang serbisyo ng kuryente para sa mga konsyumer ng PALECO.
 
Nagpahayag naman ng pagkakaisa sa suporta sa PALECO sina BM Maminta, BM Ariston D. Arzaga, at BM Al-Nashier M. Ibba, na binigyang-diin ang kahalagahan ng pagtutulungan upang higit pang mapabuti ang serbisyo ng Kooperatiba sa mga Palaweno.
“Taos-puso tayong nagpapasalamat sa mga miyembro ng Committee on Energy ng Sangguniang Panlalawigan ng Palawan, hindi lamang sa kanilang ipinahayag na suporta sa ating franchise application, kundi maging sa mga pagkakataong naging katuwang natin sila sa pagtugon sa mga hamon na kinakaharap ng ating Kooperatiba. Malaking bagay ang ganitong suporta mula sa ating mga lokal na lider sapagkat ipinapakita nito na sa pamamagitan ng pagtutulungan, mas malaki ang ating kakayahang malampasan ang mga hamon at patuloy na mapabuti ang serbisyo ng kuryente para sa ating mga konsyumer,” pahayag ni GM Contrivida.
 
Para sa PALECO, ang patuloy na pakikipagtulungan sa mga lokal na pamahalaan at iba pang stakeholders ay mahalagang bahagi ng pagsusulong ng mas maaasahan, episyente, at tuloy-tuloy na serbisyo ng kuryente para sa buong Palawan.
 

RECENT POST

PHP Code Snippets Powered By : XYZScripts.com