"PALECO ay palaguin, ito ay atin!"
PALECO, MAGSASAGAWA NG ELECTION AT MAGTATALAGA NG MGA MIYEMBRO NG IBA’T IBANG KOMITE NG KOOPERATIBA SA DARATING NA 40TH ANNUAL GENERAL ASSEMBLY MEETING
Kasado na ang ika-40 Taunang Pangkalahatang Pagpupulong ng PALECO sa darating na Hulyo 23 na gaganapin sa Municipal Covered Court ng Narra. Dito isasagawa ang election para sa mga magiging miyembro ng Election at Audit Committee at ang pagtatalaga ng mga Board of Directors (BOD) sa magiging miyembro ng Ethics, Mediation and Conciliation at Education and Training Committee.
Kwalipikado ang mga miyembro ng kooperatiba na may magandang katayuan (walang pagkakautang sa PALECO o hindi bayad ang bill nang isumite ang letter of intent); hindi nahuli o sangkot sa electrical pilferage o pagnanakaw ng kuryente at kaakibat na mga materyales; hindi tinanggal bilang isang director o empleyado ng isang electric cooperative; walang kaugnayan hanggang ikaapat na antas ng sibili o kamag-anak sa Board of Directors, Departmen Manager, NEA Appointed Project Supervisor o Acting General Manager; at walang pinansiyal na interes sa negosyong nagbebenta ng electric energy o electrical hardware o hindi nakikipagnegosyo sa kooperatiba.
Mayroong kanya-kanyang responsibilidad ang mga mahahalal at mapipiling miyembro ng komite na mahalaga para sa paghahatid ng serbisyo sa mga member-consumer-owners (MCO). Bukas na rin ang aplikasyon para sa mga nagnanais na manungkulan at mayroong kakayanan sa mga nakaatang na trabaho ng mga komite. Inaasahan na bago o sa mismong araw ng Hulyo 4 ay makapagsumite na ng mga kinakailangang dokumento at aplikasyon ang mga interesadong MCO ng kooperatiba.
Pindutin lamang ang button sa ibaba para ma-download ang pro forma letter of intent para sa mga nagnanais maitalaga sa Ethics, Mediation and Conciliation, at Education and Training Committee. Gayundin ang Certificate of Candidacy para sa mga interesado sa Election at Audit Committee.
Maaaring ring makipag-ugnayan sa opisina ng Member Services Division – Institutional Services Department sa PALECO Main, Brgy. Tiniguiban, Puerto Princesa City o tumawag sa numerong (048) 433-2544.