PALECO IN ACTION: PANGAKONG PAGBABA NG SINGILIN SA KURYENTE, MATUTUPAD NA
Nilagdaan na nina Engr. Rez L. Contrivida, General Manager ng Palawan Electric Cooperative (Paleco), at Atty. Fe Marie D. Tagle, Chairperson ng Interim Board of Directors ng Kooperatiba, ang Universal Charge for Missionary Electrification (UCME) Subsidy Agreement sa pagitan ng PALECO, Delta P, Inc. (DPI) at National Power Corporation (NAPOCOR) para sa 40 MW Power Supply Agreement (PSA) sa pagitan naman ng PALECO at Delta P noong ika-16 ng Setyembre.
Ang UCME Subsidy Agreement ay isang kasunduan na nagsasaad na sasagutin ng Universal Charge for Missionary Electrification (UCME) ang diperensya sa pagitan ng True Cost of Generation Rate (TCGR) at Subsidized Approved Generation Rate (SAGR) na itinakda ng Energy Regulatory Commission (ERC) para suplay na nakalaan sa Palawan Main Grid (Lungsod ng Puerto Princesa, Munisipyo ng Aborlan, Narra, Sofronio Española, Quezon, Brooke’s Point, Bataraza, Roxas, Taytay at mainland Dumaran).
Sa oras na maisakatuparan ang 40 MW PSA, tanging SAGR na may halagang P7.39 na lamang muli ang sisingilin para sa generation cost kada kWh na i-su-supply o i-de-deliver ng Delta P sa mga konsyumer ng PALECO na nakakonekta sa Palawan Main Grid.
Ang paglagda sa nasabing subsidy agreement ay nangangahulugang natupad na ng Paleco ang lahat ng bahagi nito at pangako nito noong huling Annual General Membership Assembly (AGMA) sa mga member-consumer-owners (MCO) upang masimulan ang implementasyon ng 40 MW PSA. Sa ngayon, hinihintay na lamang ang pagsusumite ng Delta P ng ilang documentary requirements sa ERC, NAPOCOR at National Transmission Corporation (TransCo) gayundin ang paglagda ng Delta P at NAPOCOR sa nasabing subsidy agreement na patuloy na sinusubaybayan ng PALECO.
Inaasahan na masisimulan ang pagpapatupad ng kasunduan bago o sa araw ng pagtatapos ng Transition Power Supply Agreement (TPSA) ng Paleco at Delta P at mararamdaman naman ng mga miyembro at konsyumer ng Paleco ang pagbaba ng singil sa kuryente sa mga susunod na buwan.
- Share to Facebook

