PALECO IN ACTION
PALECO, handa nang mag-suplay ng kuryente sa Port Barton
Magkakaroon ng pag-uusap sa pagitan ng Palawan Electric Cooperative (PALECO) at PowerSource Philippines, Inc. (PSPI) ngayong parating na linggo upang bigyang solusyon ang kakulangan ng suplay sa Barangay Port Barton, San Vicente, Palawan. Inaasahang hahalili sa PSPI ang PALECO sa mga oras na naka-shut off ang mga makina nito upang maibalik ang 24-oras ng suplay ng power sa nasabing lugar.
Matatandaang dulot ng kaguluhan sa Middle East na nag bunga ng pagtaas ng halaga ng langis sa merkado ay hindi na kinaya ng PSPI na maghatid ng tuloy-tuloy na power sa mga residente ng Barangay Port Barton.
Bumisita sa tanggapan ng PALECO noong ika-14 ng Mayo ang barangay officials ng nasabing lugar upang idulog ang kanilang suliranin. Agad namang ipinadala ni Engr. Rez L. Contrivida, General Manager ng PALECO, ang mga kawani ng Kooperatiba upang ihanda ang nakatayong linya mula Barangay Abaroan, Roxas, Palawan patungong Sitio Pamuayan, Barangay Port Barton, San Vicente, Palawan upang maikonekta ito sa Palawan Main Grid. Liban pa rito, nagsagawa rin ng paglalagay ng primary metering facility at 3-phase automatic recloser ang mga kawani ng PALECO noong ika-15 ng Mayo.
Personal ding bumisita si Engr. Contrivida, kasama ang mga kawani mula sa Technical Services Department (TSD), ang Barangay Port Barton ngayong araw, ika-22 ng Mayo, upang magbigay update sa pamunuan ng nasabing barangay at upang inspeksyunin ang linya. Nakita nito ang pangangailangan na magsagawa ng paunang energization ng linya upang makita pa ang mga posibleng depekto sa sistema.
Bagamat bahagi ng franchise area ng PALECO ang Barangay Port Barton, ang responsibilidad ng pagpapailaw dito ay iginawad sa PSPI nang i-waive ito ng Kooperatiba alinsunod sa polisiya ng Department of Energy (DOE) sa pagkakaroon ng Qualified Third Party (QTP) — mga pribadong kumpanyang tumutulong sa pagbibigay ng elektripikasyon sa mga lugar na malayo sa grid o hindi pa naaabot ng mga distribution utility. Binigyan ng Energy Regulatory Commission (ERC) ng Authority to Operate (ATO) ang PSPI para sa Barangay Port Barton noong ika-5 ng Agosto 2022 na may bisang 15 taon.
“Kahit naka-waive ang Barangay Port Barton, hindi natin hahayaan ang mga residente nito na hindi magkaroon ng access sa tuloy-tuloy at murang power. Bilang isang Kooperatiba, mandato natin na siguraduhing makapag bigay-liwanag sa bawat tahanan sa abot ng ating makakaya. We will keep the lights on,” pangako ni Engr. Contrivida.
- Share to Facebook









