Palawan Electric Cooperative

"PALECO ay palaguin, ito ay atin!"

OPISYAL NA PAHAYAG NG PAMUNUAN NG PALECO UKOL SA MALING IMPORMASYONG NAKA-POST SA BANTAY PALECO AT NG MGA DUMMY ACCOUNT SA FACEBOOK

Mariing kinokondena ng pamunuan ng Paleco at mga kawani nito ang pagpo-post ng mga mapanira at maling impormasyon sa Facebook Group na BANTAY PALECO.

Lubos na nakakalungkot sapagkat ang FB Group na ito ay dati nating katuwang sa paghahatid ng mahahalagang kaalaman ukol sa operasyon ng Kooperatiba subalit ngayon ay ginagamit na para sa pagpapakalat ng mga huwad at malisyosong impormasyon.

Ang mga paninirang puri na nakalathala rito hinggil sa mga kawani at opisyales ng Paleco, maging ng iba pang mga personalidad, na walang basehan ay lubos na nakababahala. Ang mga taong nasa likod ng ganitong gawain ay may hangad lamang na magdulot ng kalituhan at magtanim ng galit sa mga kamay-ari o gumagamit ng kuryente. Hindi sila tunay na nagmamalasakit sa Kooperatiba sapagkat nagagawa lamang nila ito sa pamamagitan ng mga dummy o pekeng FB account.

Hinihikayat natin ang bawat isa na maging mapanuri at maingat sa mga impormasyong binabasa at ibinabahagi. Magsaliksik at siguraduhin na mapagkakatiwalaan ang pagkukunan ng impormasyon.

Bukas ang ating tanggapan upang matugunan ang mga suliranin at katanungan ng bawat miyembro, gayundin para sa mga rekomendasyon na nais ihain tungo sa ikabubuti ng ating serbisyo.

Sakali mang may masaksihang maling gawain ng sinumang kawani o opisyales ng Paleco, nararapat ding ipagbigay alam natin ito sa pamunuan ng Paleco o sa responsableng sangay ng gobyerno.

Anumang maling impormasyon, marapat na ipagbigay-alam ito sa ating mga tanggapan. Bawat boses ay mahalaga sa pagsupil ng mga peke at mga mapanirang balita.

Mapanatili nawa sa atin ang tunay na diwa ng kooperatiba– ang pagtutulungan, pagmamalasakit sa kapwa miyembro at ang patuloy na MAPAUNLAD ang Paleco.
PHP Code Snippets Powered By : XYZScripts.com