"PALECO ay palaguin, ito ay atin!"
MEDICAL, DENTAL AT OPTICAL MISSION ISINAGAWA NG PALECO SA BRGY. CONCEPCION NOONG IKA-15 NG DISYEMBRE
MEDICAL, DENTAL AT OPTICAL MISSION ISINAGAWA NG PALECO SA BRGY. CONCEPCION NOONG IKA-15 NG DISYEMBRE
Nagsagawa ng Medical, Dental at Optical Mission sa Brgy. Concepcion, Puerto Princesa City noong ika-15 ng Disyembre, ang Palawan Electric Cooperative (PALECO) kung saan humigit-kumulang 200 residente ang nabigyan ng libreng checkup, bunot ng ngipin, mga salamin sa mata at mga gamot.
Sa mensaheng ibinigay ni Dir. Neil Cinco na kinatawang ng District III na binubuo ng Northern Barangays ng Puerto Princesa City (mula Brgy. Tagburos hanggang Brgy. Langogan), pinaalala nito sa mga residente na ang kalusugan ay kayamanan na hindi maaaring kunin ng iba kaya nama’y kanyang pinursige na maidaos ang nasabing gawain sa kanilang barangay. Aniya pa, hangad ng PALECO makatulong at makapagserbisyo sa mga residente ng Barangay Concepcion.
Nagkaroon din ng Information and Billing Inquiry booth ang Kooperatiba kung saan nakapag tanong ang mga residente ukol sa kanilang mga buwanang bayarin maging iba pang concern ukol sa kanilang koneksyon ng kuryente. Naging daan din ang nasabing gawain upang makapag-enroll ang mga residente sa Brgy. Concepcion sa PALECO Text Blast Program at maituro ang pagbabayad ng mga bayarin sa Kooperatiba gamit ang GCash maging ang pag-download at paggamit ng PALECO Mobile App.
Inanyayahan din ng mga Kawani ng PALECO ang mga kamay-aring Senior Citizen na mag-register para makatanggap ng ibinibigay na 5% discount sa bayarin sa kuryente sa mga ito alinsunod sa Republic Act No. 9994 o ang “Expanded Senior Citizens Act of 2010”.
Binigyang diin ni PALECO General Manager Engr. Rez L. Contrivida, PEE na ang pagsasagawa ng Medical, Dental at Optical Mission ay hindi lamang upang makatulong bagkus ito’y isa ring paraan ng pasasalamat sa mga MCO sa kanilang patuloy na pagsuporta at pakikiisa sa Kooperatiba. Pinasalamatan din nito si Punong Barangay Job Francisco at ang lahat ng opisyales ng barangay na sumuporta sa gawain.
Samantala, nagpapasalamat din ang pamunuan ng PALECO sa mga doktor at nurse mula sa City Health Office ng Lungsod at Barangay Health Workers ng Brgy. Conception na siyang naging katuwang ng Kooperatiba upang maisakatuparan ang nasabing gawain