"PALECO ay palaguin, ito ay atin!"
MAYROON KA BANG MGA TANONG O REKLAMO SA IYONG BUWANANG BAYARIN O STATEMENT OF ACCOUNT (SOA)
Kamay-ari!
Mayroon ka bang mga tanong o reklamo sa iyong buwanang bayarin o Statement of Account (SOA)?
Kaugnay sa mga reklamong natatangap patungkol sa mga mataas na bayarin at iba pang issue ukol sa natanggap na SOA, narito ang mga maaaring gawin upang maisaayos ito:
1. Magkaiba ang due date sa The PALECO Mobile app o sa natanggap na electronic SOA kumpara sa natanggap na printed na SOA
Ayon sa ating patakaran, ang ika-sampung (10) araw mula sa pagkakatanggap ng isang consumer ng kaniyang SOA ang siyang araw ng due date. Dahil nauunang ma-upload sa sistema ng PALECO ang mga nabasang na metro kaysa sa pag print ng SOA at automated ang computation ng nasabing 10 araw na grace period, nagkakaroon ng mas maagang due date ang natatatanggap na electronic SOA at ang lumalabas sa The PALECO Mobile app. Subalit sa kabila ng pagkakaroon ng mobile app at e-billing system, ang due date sa printed SOA na inihatid sa bahay ng consumer pa rin ang ating batayan ng due date alinsunod sa Magna Carta for Residential Electricity Consumers.
Nakakatulong na malaman iyong buwanang bayarin nang mas maaga sa pamamagitan ng The PALECO Mobile app at PALECO e-Billing system. Gayon pa man, ang due date sa printed na SOA ang ating pinagbabatayan.
2. Mataas na konsumo, mataas na power rate kaya’t tumaas din ang bayarin
Dahil sa naranasang init ng panahon o mataas na heat index nitong nagdaang mga buwan (partikular na noong ika-25 ng Abril hanggang ika-25 ng Mayo na siyang billing period ng mga power provider sa Paleco at siya ring batayan ng power rate para sa buwan ng Hunyo), sama-sama ring tumaas ang konsumo ng mga member-consumer ng Paleco. Ang mataas na konsumo kasabay ng mataas na power rate na dulot naman ng kawalan ng subsidiya sa dalawang Emergency Power Supply Agreement (EPSA) ng Paleco ay nagbunga ng mas mataas na bayarin.
3. Magkaiba ang reading na nakikita sa SOA at kWh meter
Dalawa (2) ang pamamaraan ng Paleco sa paniningil. Una ay ang tinatawag na “read-and-bill” o iyong makukuha agad ng consumer ang kanyang printed na SOA sa mismong araw na binasahan. Maaaring magkaroon ng problema kapag hindi nagtugma ang numero sa kontador at sa basa ng meter reader dahil malabo na ang mga numero sa kWh meter. Maaari ring tugma ang pagkakabasa subalit sira naman ang kontador. Pwede ring nagkaproblema ang Personal Digital Assistant (PDA) o ang device na agarang nagpi-print ng itinala ng meter reader.
Ang pangalawa naman ay iyong tradisyunal na pamamaraan kung saan sabayang ini-encode o download pa sa computer sa opisina ang lahat ng nabasa ng isang meter reader bago i-print at ipamigay.
Tulad ng naunang pamamaraan, maaaring magkaroon ng problema kapag hindi nagtugma ang numero sa kWh meter at basa ng meter reader dahil malabo na ang mga numero sa kontador. Maaari ring tugma ang pagkakabasa subalit sira naman ang mismong kontador. Maaari ring hindi nagtugma ang na-encode sa system.
Bagama’t isinasaalang-alang ang “human error” sa ganitong gawain, lubos namang pinapaalalahanan ng pamunuan ng Paleco ang mga kawani nito na siguraduhing maayos at tama ang maibibigay na SOA.
Kapag may ganitong pagkakataon, ipagpaliban ang pagbayad ng inyong bill sa PALECO. Sa halip ay sa agad na pumunta sa pinakamalapit na tanggapan ng Paleco upang makita ang ugat ng problema at maisaayos ito.
4. Walang natatanggap na SOA
Sinisiguro ng pamunuan ng PALECO na napupuntahan ang bawat kontador ng mga consumer nito at naihahatid ang kanilang mga SOA. Kalimitang sanhi ng hindi pagkakatanggap ng SOA ay ang mga kabahayang walang mailbox kaya napipilitang iipit na lamang ng mga tagahatid ang SOA sa bakod o gate (na maaari namang liparin o mabasa ng ulan bago pa man makita ng may-ari ng bahay). Upang maiwasan ito, pinapakisuyo po na maglagay ng pansamantalang lagayan ng SOA sa harap ng inyong bahay.
Lubos pong humihingi ng paumanhin sa lahat ng naapektuhan ang pamunuan ng Paleco. Para sa may iba pang katanungan, huwag mag-atubiling pumunta sa pinakamalapit na tanggapan ng Paleco.
Maaari rin kayong tumawag sa sa 433-2544 loc 812.