HANDS OFF OUR ECS! UPHOLD EC INDEPENDENCE! NO TO PRIVATE-FOR-PROFIT TAKEOVER ON NORDECO AND OTHER ELECTRIC COOPERATIVES!
Kaisa ng NORDECO, mariing kinokondena ng Paleco ang tahasan at malisyosong pag-atake sa karapatan at kakayahan ng mga electric cooperatives (ECs) para sa pansariling interes at mabigyang-daan ang inaasam na pananakop ng mga private for-profit companies sa prangkisa ng mga ECs.
Higit naming pinabubulaanan ang mga maling paratang laban sa mga ECs, lalo na ang mga alegasyon ng hindi maayos na serbisyo at mataas na presyo ng kuryente, dahil mismong ang National Electrification Administration (NEA) at Energy Regulatory Commission (ERC) ang makapagpapatunay sa aming kakayahan, batay sa itinakdang pamantayan ng pamahalaan.
Noon pa man, mandato namin ang magbigay ng walang patid at patas na singil ng kuryente sa bawat member-consumer-owners (MCOs) na aming pinagsisilbihan, lalong higit sa mga kanayunan.
Dagdag pa rito, amin ring tinutuligsa ang hindi patas na pagkukumpara sa mga ECs at iba pang distribution utilities sapagkat maraming aspeto ang dapat isaalang-alang, katulad ng pagkakaiba sa lokasyon, lawak ng nasasakupan, dami ng konsumidores, at ang pagiging non-stock, non-profit ng mga ECs.
Laging ipinapangako ng mga private for-profit companies ang “mas maganda at murang serbisyo,” pero anong katiyakan na kaya nila itong panindigan? May garantiya ba na hindi tataas ang presyo ng private for-profit companies, kung ngayon pa lamang ay higit na mataas na ang distribution, supply, and metering charges na napupunta sa kanila kaysa sa ating mga ECs.
Ngayon, ano ang nagtutulak sa mga pag-atakeng ito?
Malinaw ang kanilang intensyon: bigyang-daan ang ‘franchise grabbing’ ng mga private for-profit companies para maisakatuparan ang kagustuhang agawin ang prangkisa ng mga ECs, gaya ng NORDECO, na siyang pagmamay-ari at dapat manatili sa mga MCOs nito.
Bigyang-diin natin na ang mga lugar na inaagaw nila ngayon ay isinantabi lang nila noon, at tanging mga ECs lamang ang nagsusumikap na tawirin ang dagat at mga ilog, akyatin ang mga bundok, at suyurin ang mga kabukiran para mailawan ito at ang nasa mga dulong kanayunan.
Saksi ang kasaysayan sa sakripisyo ng mga ECs upang marating ang bawat tahanan, at walang makapagbubura nito.
Tinututulan namin ang pagsuporta ng mga mambabatas sa pagpapalawak ng prangkisa ng Davao Light and Power Company, Inc. (DLPC) sapagkat isinasasawalang-bahala nito ang karapatan ng mga kooperatiba na magserbisyo sa kabuuan ng kanilang termino.
Ang batas na mismo ang nagbigay linaw: nakasaad sa Section 27 ng Republic Act No. 9136 o ang EPIRA Law na, ‘all existing franchises shall be allowed to their full term.’ Sa kasalukuyan, hindi pa tapos ang termino ng NORDECO.
Kung ang ‘proof of the pudding is the eating’, para saan pa ang batas? Tila ba hinahayaan na lang natin na tuluyan nilang kinikitil ang kompetisyon.
Sa kabila ng mga sakuna, at kahit minsa’y hindi sapat ang subsidiyang natatanggap, hindi naapula ang pag-aalab naming makapaglingkod sa bawat Pilipino saanmang sulok ng bansa.
Higit naming kailangan ang tuloy-tuloy na suporta mula sa gobyerno, kaysa ang mga pagbabanta ng pananakop. Dahil sa mahigit na limang dekada, isinabuhay namin ang mandato ng elektripikasyon kahit limitado ang aming kakayahan.
Paano pa kung may kaagapay kami sa pagtupad ng responsibilidad na iniatang sa amin?
Kaya patuloy ang aming panawagan sa ating mga mambabatas na pakinggan ang hinaing ng mga ECs para sa patas na deliberasyon nang walang pagkiling sa oligarkiya.
Hindi kami matitinag at patuloy ang aming pagtindig dahil ang labang ito ay laban din ng milyon-milyong MCOs na aming kabalikat sa pagtaguyod ng elektripikasyon.
LET THE PEOPLE BE EMPOWERED BY LETTING THEM OWN THEIR ELECTRIC SERVICE THROUGH COOPERATIVISM! IT SHOULD BE OWNED BY THE PEOPLE, NOT BY THE OLIGARCHS, NOT BY THE FEW ELITES!
NO TO PRIVATE-FOR-PROFIT TAKEOVER!
KEEP THE LIGHTS ON, NORDECO!
#JunkHouseBill11072
#HandsOffOurECs
#NoToFranchiseGrabbing
#YesToNORDECO
- Share to Facebook