"PALECO ay palaguin, ito ay atin!"
FAQS: MAY 2024 POWER RATE
FAQs: May 2024 Power Rate
1. Bakit tumaas ang singilin ng PALECO para sa buwan ng Mayo 2024?
Ang pagtaas ng singilin o power rate ng PALECO para sa buwan ng Mayo ay epekto ng sama-samang pagtaas ng konsumo ng mga member-consumer nito dahil sa nararanasang init ng panahon o mataas na heat index.
Dahil sa kakulangan ng subsidiya habang nakasailalim sa Emergency Power Supply Agreement (EPSA) ang PALECO, True Cost of Generation Rate (TCGR) ang binabayaran sa ilang power provider nito.
Sa inilabas na Advisory Notice ng National Electrification Administration (NEA), hinihiling nito ang pag unawa ng bawat isang Member-Consumer-Owner (MCO) sa bansa sapagkat ang pagtaas ng singilin sa kuryente na bunga ng pagtaas ng generation cost ay bunsod ng init ng panahon na hindi naman kontrolado ng mga Electric Cooperative (EC).
Pinaliwanag din sa nasabing Advisory na ang mga EC ay walang kakayanang impluwensyahan o bawasan ang sinisingil na generation cost sapagkat ito ay nakabase sa operating conditions ng mga power provider.
2. Saan mapupunta ang babayarang ₱16.3501/kWh ng mga residential consumer ng PALECO?
Sa kabuuang halaga na ₱16.3501/kWh, 77% o ₱12.616 ang mapupunta sa generation charge o sa pagbabayad sa mga Independent Power Provider (IPP) ng Kooperatiba na silang nag susuplay ng power sa Palawan Main Grid (lungsod ng Puerto Princesa, munisipyo ng Aborlan, Narra, Brooke’s Point, Sofronio Espanola, Bataraza, Quezon, Roxas, Taytay at mainland Dumaran).
Samantala, 12% o ₱1.91820 naman ang mapupunta sa gobyerno. Kasama rito ang Value Added Tax (VAT) sa Generation Charge, System Loss Charge, Distribution System Charge at iba pa. Kasama rin dito ang sinisingil sa kontribusyon para sa Universal Charge for Missionary Electrification (UCME) sa lahat ng end-user ng kuryente sa buong bansa maging ang kontribusyon sa pagbabayad ng pagkakautang ng National Power Corporation o ang NPC Stranded Debts.
Tanging 11% o ₱1.81583 lamang naman ang napupunta sa PALECO. Ito ay ginagamit ng Kooperatiba para sa operasyon nito kasama ang maintenance ng mga facilities, pa sahod sa mga kawani at mga programa o proyektong ipinatutupad.
3. Hanggang kailan mananatiling mataas ang singilin ng PALECO?
Tanging ang pagbabayad ng True Cost of Generation Rate (TCGR) ang nagpapataas ng singilin ng PALECO. Sa oras na maibalik ang bayarin sa Subsidized Approved Generation Rate (SAGR) ay muli ring bababa ang singilin ng Kooperatiba.
Maibabalik naman sa SAGR ang bayarin sa mga IPP ng PALECO kapag ang Department of Energy (DOE) ay magbaba ng kautusang nagbabalik sa subsidiya ng PALECO bilang isang Small Power Utility Group (SPUG) Area sa kabila ng pagsailalim ng PALECO sa mga EPSA alinsunod sa Republic Act No. 9136 o ang Electric Power Industry Reform Act (EPIRA).
Maibabalik din ang mababang singilin sa oras na matapos ang kasalukuyang isinasagawang Competitive Selection Process (CSP) ng NEA para sa Palawan Main Grid.