PALECO IN ACTION: PALECO POWERS YOUNG DREAMS
Para sa 46 na batang Batak ng Balai Ya Pag-Adlan Kat Mga Katutubo Elementary School, isang araw ng saya, pagkatuto, at inspirasyon ang naging hatid ng PALECO—isang munting paalala na ang kanilang mga pangarap ay mahalaga.
Hindi lamang liwanag ang hatid ng kuryente. Sa tamang paggamit nito, maaari rin itong maging daan tungo sa mas ligtas, mas maunlad, at mas maliwanag na kinabukasan.
Ito ang naging diwa ng pagbisita ng Palawan Electric Cooperative (PALECO) sa Balai Ya Pag-Adlan Kat Mga Katutubo Elementary School sa Brgy. Tinitian, Roxas noong ika-4 ng Setyembre, kung saan naghatid ang Kooperatiba ng saya, kaalaman, at munting handog para sa mga batang Batak na nag-aaral sa nasabing paaralan.
Bilang bahagi ng mga programa ng PALECO para sa corporate social responsibility at bilang bahagi ng pagdiriwang ng National Electrification Awareness Month (NEAM) para sa taong 2026, bumisita ang mga kawani mula sa Member Services Division (MSD) at Area North Operations Department (ANOD) ng Kooperatiba upang gawing espesyal ang araw para sa mga mag-aaral.
May kabuuang 46 na mag-aaral mula Grade 1 hanggang Grade 6, na ginagabayan ng walong guro, ang bumubuo sa maliit ngunit masiglang komunidad ng paaralan.
Para sa mga mag-aaral mula Grade 1 hanggang Grade 3, inihanda ng PALECO ang isang puppet show at storytelling activity. Sa pamamagitan ng mga kuwento at karakter, naging masaya at makulay ang pagkatuto ng mga bata, kasabay ng mga aral na maaari nilang baunin sa kanilang pang-araw-araw na buhay.
Samantala, naging pagkakataon naman para sa mga mag-aaral mula Grade 4 hanggang Grade 6 na maipamalas ang kanilang pagkamalikhain at kaalaman sa pamamagitan ng poster-making contest na may temang:
“Powering Young Dreams: Learning and Staying Safe with Electricity.”
Nangibabaw sa patimpalak sina Riden M. Benoja bilang 1st Place, Kim G. Tarroquin bilang 2nd Place, at Lean D. Cayao bilang 3rd Place.
Hindi rin nagpahuli sa pagpapasaya sa mga bata si Grimace, ang mascot mula sa McDonald’s, na agad nagdala ng dagdag na saya at sigawan sa paaralan. Sinundan ito ng iba’t ibang palaro na naging dahilan upang mas lalong maging masigla ang buong programa.
Ngunit higit pa sa mga laro, paligsahan, at regalo ang naging layunin ng pagbisita ng PALECO.
Habang abala ang mga bata sa kanilang mga aktibidad, naging abala rin ang mga kasamang lineman ng Kooperatiba sa pagtitiyak ng kaligtasan sa paaralan. Nagkumpuni sila ng mga electrical outlet at extension cord at nagsagawa rin ng pagsusuri sa wiring ng paaralan upang makatulong na matiyak ang ligtas na paggamit ng kuryente ng mga guro at mag-aaral.
Namahagi rin ang PALECO ng hygiene kits at mga school essentials bilang dagdag na tulong para sa mga bata.
Sa kabuuan, naging higit pa sa isang simpleng outreach activity ang pagbisita ng PALECO sa Balai Ya Pag-Adlan Kat Mga Katutubo Elementary School. Naging pagkakataon itong maghatid hindi lamang ng mga bagay na maaaring gamitin ng mga bata, kundi pati ng saya, kaalaman, at inspirasyong maaaring manatili sa kanilang mga puso at isipan.
Sapagkat para sa PALECO, ang pagbibigay-liwanag ay hindi lamang tungkol sa pagbibigay ng kuryente.
Ito rin ay tungkol sa pagbibigay-liwanag sa mga pangarap, paghubog sa kabataan, at pagtulong na ihanda sila para sa mas maliwanag na kinabukasan.
At sa bawat batang patuloy na nangangarap, naroon ang pag-asang balang araw, ang munting liwanag na kanilang nasaksihan ngayon ay magiging ningning ng isang mas magandang bukas.
- Share to Facebook