Palawan Electric Cooperative

Taos-Pusong Nagpapasalamat ang PALECO sa mga Kinatawan sa Kongreso para sa Kanilang Patnubay, Suporta, at Tulong sa Paghahain ng Aplikasyon para sa Prangkisa

Taos-pusong nagpapasalamat ang Palawan Electric Cooperative (PALECO) sa ating mga Kinatawan sa Kongreso—sina APEC Party-List Representative Sergio C. Dagooc at PhilRECA Party-List Representative Presley C. De Jesus, kasama sina Representative Rosalie A. Salvame ng 1st District, Representative Jose C. Alvarez ng 2nd District, at Representative Gil A. Acosta, Jr. ng 3rd District ng Palawan—para sa kanilang patnubay, suporta, at tulong sa Kooperatiba sa paghahain ng aplikasyon para sa ating prangkisa noong ika-1 ng Setyembre.
‎Ang House Bill No. 11029 ay isang mahalagang hakbang upang mapanatili sa mga miyembro ng PALECO ang kooperatibang nagpapailaw sa 18 munisipyo at Lungsod ng Puerto Princesa na sakop ng kasalukuyang prangkisa nito.
 
‎Higit pa sa isang prangkisa, ang hakbanging ito ay pagpapatuloy ng mandato ng PALECO na pailawan ang bawat sulok ng ating franchise area—may kita man o wala. ‎
 
“Ang ating laban ay hindi matatapos sa pagkakaroon ng prangkisa. Ito ay simbolo ng mas pagpapaayos ng serbisyo sa bawat isang consumer, pagpapalakas ng boses ng bawat miyembro, at pakikipagtulungan hindi lamang sa ating mga Local Government Units (LGUs), kundi maging sa ating mga katuwang na national agencies,”pahayag ni Engr. Rez L. Contrivida, General Manager ng PALECO.
“Tututukan pa rin natin ang mga programang tutugon sa bawat suliraning ating kinakaharap,” dagdag pa ni GM Rez.
 
Batid ng Pamunuan ng PALECO na ang pagkakaroon ng prangkisa ay hindi lamang pagkilala sa ating karapatang maglingkod. Higit sa lahat, ito ay isang pananagutan—ang patuloy na paghahatid ng serbisyo at ang pagtupad sa pangakong pailawan ang bawat komunidad na sakop ng PALECO.
 
‎Let’s keep the lights on, Kamay-ari! ⚡💡
 

RECENT POST

PHP Code Snippets Powered By : XYZScripts.com