PALECO IN ACTION
Nakipagpulong ang mga kinatawan ng Palawan Electric Cooperative (PALECO) sa Lokal na Pamahalaan ng El Nido, Palawan, sa pangunguna ni Mayor Edna Gacot-Lim, at iba pang ahensya ng pamahalaan noong ika-8 ng Hunyo upang talakayin ang isang malaking proyektong naglalayong higit pang mapabuti ang serbisyong elektripikasyon sa bayan.
“Batid natin ang kahalagahan ng pagkakaroon ng maaasahan at matatag na suplay ng kuryente sa El Nido sapagkat ang turismo ang pangunahing pinagkukunan ng kabuhayan ng ating mga kababayan dito,” ayon kay Engr. Rez L. Contrivida, General Manager ng PALECO. “Upang matugunan ang patuloy na pagtaas ng demand sa kuryente, magtatayo tayo ng bagong substation at ia-upgrade ang ating distribution line sa pamamagitan ng paglalagay ng double-circuit system.”
Sa naturang pagpupulong, iminungkahi ang pagbuo ng isang Technical Working Group (TWG) na mangunguna sa pagsasagawa ng imbentaryo ng mga loteng maaapektuhan, mga punong maaaring putulin, at iba pang imprastrakturang masasaklaw ng proyekto. Layunin nitong mapabilis ang implementasyon ng proyekto at mapalakas ang koordinasyon ng mga kinauukulang ahensya.
Ang TWG ay bubuuin ng mga kinatawan mula sa PALECO, Lokal na Pamahalaan ng El Nido, Department of Public Works and Highways (DPWH), Department of Environment and Natural Resources (DENR), Philippine National Police (PNP), Bureau of Fire Protection (BFP), at iba pang kaugnay na ahensya ng pamahalaan.
Tinalakay rin sa pagpupulong ang usapin ng right-of-way dahil may ilang pribadong lote na maaapektuhan ng nasabing proyekto.
Magkakaroon ng kasunod na pagpupulong kasama ang mga opisyal ng ehekutibo at lehislatibo ng El Nido upang pormal na maitatag ang TWG at maiprisenta ang pinal na listahan ng mga lugar at ari-ariang maaapektuhan ng proyekto.
Samantala, nagsagawa rin ng serye ng mga konsultasyon ang mga kawani ng PALECO sa mga barangay ng Corong-Corong, Masagana, Pasadena, Libertad, at Maligaya mula ika-9 hanggang ika-11 ng Hunyo upang ipaalam sa mga residente ang proyekto at talakayin ang mga usaping may kaugnayan sa right-of-way na maaaring makaapekto sa kanila.
Sa pamamagitan ng proyektong ito, inaasahang higit pang mapapalakas ang kapasidad ng sistema ng distribusyon ng kuryente sa El Nido at mapabubuti ang pagiging maaasahan ng serbisyo, kasabay ng patuloy na paglago ng turismo at ekonomiya ng bayan.
- Share to Facebook




