Palawan Electric Cooperative

PALECO IN ACTION
Patuloy na lumalawak ang abot ng elektripikasyon sa hilagang bahagi ng Palawan sa pamamagitan ng pagtutulungan ng PALECO at ng Lokal na Pamahalaan ng Dumaran.

Noong ika-4 ng Hunyo, binisita nina Hon. Jenifer F. Adier, Vice Mayor ng Dumaran; Hon. Nazer F. Samudio, Municipal Councilor; at Hon. Igmedio B. Miraflores Jr., Punong Barangay ng Barangay Ilian, si Engr. Rez L. Contrivida, General Manager ng PALECO, upang talakayin ang kasalukuyan at mga susunod pang hakbang para sa pagpapalawak ng serbisyo ng kuryente sa kanilang munisipyo.
 
“Ating kinikilala ang suportang ipinapamalas ng Munisipyo ng Dumaran sa mandato ng ating Kooperatiba na rural electrification,” ani ni Engr. Contrivida. “Ilang electrification projects na ang matagumpay nating naisakatuparan dahil sa kanilang pakikipagtulungan sa atin.”
Bunga ng partnership na ito, naipatayo at na-energize ang linya mula Barangay Itangil patungong Barangay Magsaysay noong 2023, na sinundan naman ng linya mula Barangay Magsaysay patungong Barangay Culasian noong 2024. Sa parehong proyekto, ang pondo para sa mga materyales ay nagmula sa Munisipyo ng Dumaran habang sinagot naman ng PALECO ang construction ng mga linya.
 
Hindi rito nagtatapos ang kanilang pagtutulungan. Para sa taong 2026, muling naglalaan ng pondo ang Munisipyo para sa mga materyales ng itatayong linya mula sa sentro ng Barangay Capayas patungong Sitio Salimbanog, habang muling sasagutin naman ng PALECO ang construction nito.
 
Kasabay nito, inatasan ni Engr. Contrivida ang Technical Services Department (TSD) na magsagawa ng survey at staking mula Sitio Salimbanog, Barangay Capayas patungong Barangay Ilian, gayundin mula Barangay Taradungan patungong Barangay Tumarbong sa munisipyo ng Roxas. Layunin nitong maisama ang mga naturang lugar sa mga ipapasa sa National Electrification Administration (NEA) para sa pagpopondo sa ilalim ng Sitio Electrification Project (SEP).
 
Tinalakay rin sa pagpupulong ang kalagayan ng island Dumaran, isa sa mga waived area ng PALECO na kasalukuyang pinaglilingkuran ng PowerSource Philippines, Inc. (PSPI), kung saan 16 oras lamang kada araw ang suplay ng kuryente.
 
Bilang tugon, ipinag-utos din ni Engr. Contrivida ang pagsasagawa ng survey at staking para pag-aralan ang posibilidad ng line extension mula sa planta ng National Power Corporation (NPC) sa Barangay Poblacion, Araceli patungo sa Araceli-Dumaran District Hospital at maisama ito sa mga isusumite sa NEA para sa Barangay Line Enhancement Program (BLEP).
 
“Sa oras na maisakatuparan ito, tulad sa Barangay Port Barton, San Vicente, magsisilbing back-up power supply si PALECO para sa PSPI sa island Dumaran. Makikipag-ugnayan din tayo sa NPC upang mapag-usapan ang capacity ng kanilang planta doon,” paliwanag ni Engr. Contrivida
 
Sa patuloy na pakikipag-ugnayan sa mga lokal na pamahalaan at mga katuwang na ahensya, nananatiling nakatuon ang PALECO sa layuning maihatid ang serbisyo ng kuryente sa mas marami pang komunidad sa Palawan.
 

RECENT POST

PHP Code Snippets Powered By : XYZScripts.com