"PALECO ay palaguin, ito ay atin!"
OPISYAL NA PAHAYAG NG PALECO UKOL SA MGA DINADANAS NA LOAD SHEDDING/ROTATIONAL BLACKOUT SA ILANG BAHAGI NG FRANCHISE AREA NITO NGAYONG PANAHON NG TAG-INIT
Pinagsusumite ni Engr. Rez L. Contrivida, General Manager ng PALECO, ang lahat ng Independent Power Provider (IPPs) ng Kooperatiba ng status ng supply ng fuel na mayroon ang mga ito sa kanilang mga planta araw-araw matapos ang humigit-kumulang apat (4) na oras walang kuryente noong ika-25 ng Abril sa ilang bahagi ng Lungsod ng Puerto Princesa at humigit-kumulang dalawang (2) oras naman sa ibang Munisipyo. Sa ulat, nagkulang ang supply ng diesel ng DMCI Power Corporation (DPC) sa kanilang planta sa Brgy. Irawan na siyang nagsusupply ng 19.8 MW na power sa Main Grid ng Palawan.
Sa inisyal na impormasyon na binigay ng DPC sa PALECO, magtatagal lamang mula alas singko ng hapon hanggang alas syete ng gabi ang nasabing pagkawala ng kuryente at agarang maibabalik sa oras na dumating ang kanilang supply ng diesel subalit, nagkaroon ng sira ang kanilang fuel pump na naging dahilan naman ng dagdag na oras ng blackout. Kasalukuyang inaantay pa rin ng PALECO ang kanilang paliwanag ukol sa nangyaring problema.
Papatawan ang nasabing power provider ng penalty alinsunod sa penalty clause ng kanilang Power Supply Agreement (PSA) sa Kooperatiba.
Samantala, bilang paghahanda sa panahon ng tag-init, naunang nakipag usap ang pamunuan ng PALECO sa mga power providers nito na taasan ang kanilang capability at siguraduhing sapat ang maibigay nilang supply ng kuryente upang maiwasan ang maiwasan ang load shedding at rotational blackout.
Sa kasalukuyan ang peak demand ng Main Grid ay nasa 68.83 MW samantalang ang kasalukuyang kabuuang supply mula sa mga IPP ay 71.75 MW subalit dahil sa mga biglaang pagkasira ng isa o higit pang makina ng mga IPP o kaya nama’y de-rated o mas mababa sa inaasahan ang naibibigay na power ng mga ito ay kinakailangang magpatupad ng load shedding o rotational blackout.
Ang load shedding ay ang pagbabawas ng load o pag shut off ng ilang recloser o serkito sa panahong nagkukulang ang supply ng kuryente mula sa mga power provider. Ang rotational blackout naman ay ang pag iikot sa mga recloser o serkito na makakaranas ng load shedding.
Patuloy naman ang pakikipag ugnayan ng PALECO sa mga power provider upang kanilang lutasin at masigurong sapat ang maibigay nilang supply ng kuryente at maiwasan ang load shedding o rotational blackout.
Nakipag-ugnayan din si GM Contrivida sa mga Big Load Consumers ng PALECO para sa kanilang partisipasyon sa ipinatutupad na Voluntary Load Curtailment (VLC) upang maiwasan o mabawasan ang load shedding o rotational blackout sa pagkakataong kulang ang supply ng kuryente.
Samantala, maaalala na nilagdaan noong ika-23 ng Enero ang isang PSA sa pagitan ng PALECO at SI Power Corporation (SIPCOR) para sa 20 MW na supply ng kuryente. Bagama’t taong 2024 pa makakapagsimulang operasyon ang SIPCOR , hiniling naman ng pamunuan ng PALECO na sila’y makapag pauna ng 7 MW sa lalong madaling panahon.