![](https://paleco.net/paleco/wp-content/uploads/2022/04/Reco_GIF.gif)
"PALECO ay palaguin, ito ay atin!"
PALECO, IPINAGDIRIWANG ANG IKA-49 TAONG PAGKAKATATAG!
![](https://paleco.net/paleco/wp-content/uploads/2023/01/image_49anniv_001-1024x512.jpg)
PRESS RELEASE
January 22, 2023
PALECO, IPINAGDIRIWANG ANG IKA-49 TAONG PAGKAKATATAG!
Ipagdiriwang ng PALECO ang ika-49 taong pagkakatatag sa ika-25 ng Enero taong kasalukuyan. Maaalala na nabuo ang PALECO noong ika-25 ng Enero taong 1974 bilang ika-51 Electric Cooperative sa bansa.
Kabilang sa gawain para sa pagdiriwang ay ang taunang gift-giving activity na isinasagawa ng mga kawani ng Kooperatiba na binansagang “Alay Mula sa Puso”. Ngayong taon, napili bilang benepisyaryo ang may humigit-kumulang 80 residente at katutubo sa Unang Lahi Village sa Brgy. Sta. Lourdes sa Lungsod ng Puerto Princesa. Pangangalakal sa dumpsite sa nasabing barangay ang siyang pangunahing ikinabubuhay ng mga ito. Pagkakalooban ang mga ito ng mga pangunahing pangangailan (grocery items). Magmumula ang pondong gagamitin para sa gawaing ito sa kontribusyon ng lahat ng mga Kawani ng PALECO.
Mamimigay rin ng may kabuuang bilang na 4,400 na bumbilya sa mga Kamay-aring magbabayad ng kanilang buwanang bayarin sa ika-25 ng Enero sa mga opisina ng PALECO (sa Main Office sa Lungsod ng Puerto Princesa at Satellite Offices sa munisipyo ng Aborlan, Narra, Brooke’s Point, Quezon, Roxas, Taytay at El Nido).
Samantala, bibigyang parangal naman sa gabi ng mismong anibersaryo ng PALECO ang mga kawani nitong nakapagsilbi sa Kooperatiba ng may 10, 15, 25 at 35 taon.
Maaalala na ang PALECO ay nagsimula ng operasyon noong ika-11 ng Enero taong 1975, mayroon lamang ito 464 na miyembro. Sa kasalukuyan ay umaabot na sa 141,642.00 ang kabuuang bilang ng mga miyembro nito sa 19 na bayan (Lungsod ng Puerto Princesa, Munisipyo ng Aborlan, Narra, Brooke’s Point, Sofronio Espanola, Bataraza, Balabac, Cuyo, Magsaysay, Agutaya, Quezon, Rizal, Roxas, Araceli, Dumaran, Cagayancillo, Taytay, San Vicente at El Nido) na sakop ng franchise area ng PALECO.
Lubos na pasasalamat ang nais ipabatid ng Pamunuan at mga Kawani ng PALECO sa lahat ng Member-Consumer-Owners (MCOs) na patuloy na nakikiisa at nagbibigay suporta sa Kooperatiba.
Maligayang ika-49 Anibersaryo, Kamay-ari!